Humihingi ng paglilinaw si Senator Francis “Kiko” Pangilinan kung bakit hindi binanggit ang Special Purpose Funds o SPFs sa report ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipinadala sa Senado ukol sa implementasyon ng Bayanihan to Heal as One Act.
Ang hinahanap ni Pangilinan ay ang ₱372.7 billion na Special Purpose Funds na wala sa report ng Pangulo kaya ibig sabihin ay hindi pa ito nagagalaw.
Tanong ni Pangilinan, saan gagamitin ang nasabing salapi at kailan isusumite ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang kanilang budgetary requirement.
Diin ni Pangilinan, lumalabas sa report ng Pangulo na ang ginamit at ginagamit pa rin na pondo para sa mga programa kontra COVID-19 ay mula pa rin sa kasalukuyang pondo na meron sila sa ilalim ng General Appropriations Act.
Giit ni Pangilinan, maiging mas maging transparent ang pamahalaan ukol sa mga ginagamit na pondo dahil pera ito ng taong bayan at para sa taong bayan.