Nagpahayag ng kahandaan ang mga kongresista na dumalo nang personal sa kamara sa pagsisimula ng special session sa Oktubre 13 -16.
Ayon kina Ang Probinsiyano Partylist Jose Singson Jr. at BUHAY Partylist Rep. Lito Atienza, marami nang mambabatas ang gustong luwagan ang restrictions na ipinatutupad sa kamara para makadalo na sila ng personal sa plenary session.
Giit ni Singson, ginagamit ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang COVID-19 crisis para mapigilan ang mga kalaban sa pulitika na ipahayag ang kanilang saloobin kapag isinasagawa lamang sa virtual ang mga pagdinig.
Ipinunto rin ni Atienza ang kaniya umanong naranasan habang nasa isang pagdinig kung saan hindi siya hinayaang makapagsalita nang kaniyang tutulan ang pag-apruba ng second reading para sa panukalang 2021 budget.
Ayon kay Atienza, sinubukan nilang mag-object pero hindi sila pinayagan ng namamahala ng Zoom conference na i-unmute ang kanilang mikropono.
Inihayag din ni Singson na binigo ni Cayetano ang mga miyembro ng kamara at ang publiko dahil sa pag-mishandle nito ng 2021 budget.