Special task force, pinabubuo laban sa mga nasa likod ng spam texts

Isang special task force ang pinabubuo ng isang kongresista para maimbestigahang mabuti ang paglaganap ng spam texts na bumibiktima ngayon sa maraming Pilipino.

 

Sinabi ni AP Partylist Rep. Ronnie Ong na ang malawakang “leakage” ng pribadong mobile phone numbers na ginamit ng mga sindikato ng text scammers ay isang seryosong “data privacy breach” na nangangailangan na ng masinsinang atensyon ng gobyerno.

 

Pinatututukan ng mambabatas ang isyung ito sa Department of Information and Communications Technology (DICT), National Bureau of Investigation (NBI) at Data Privacy Commission.


 

Giit ng kongresista, ang malawakang data privacy breach ay hindi simpleng law enforcement issue dahil maaaring may implikasyon ito sa national security.

 

Inirekomenda ni Ong na bumuo ng isang “special task force” para masawata ang patuloy na pambibiktima gamit ang mga text spam.

 

Umapela rin ang kongresista sa Kongreso na i-review at amyendahan ang Republic Act 10173 o ang Data Privacy Act upang mapalawak ang sakop nito at maitaas ang parusa at multa laban sa mga lalabag sa data privacy.

Facebook Comments