Bubuo ang Philippine National Police (PNP) ng Special Task Group na siyang tututok sa mga reklamo laban kay KAPA founder Joel Apolinario na naaresto kahapon dahil sa kasong syndicated estafa sa Surigao Del Sur.
Ayon kay PNP Chief Police General Archie Gamboa, maraming naloko at nagrereklamo laban kay Joel Apolinario kaya dapat lamang na may task group na tututok dito.
Aniya, unang tutukuyin ng Special Task Group ang properties o ang mga ari-arian at mga bank account ng KAPA at kung sinu-sino ang mga lehitimong claimants.
Sinabi pa ni PNP Chief na maliban kay Apolinario, may 23 pang mga personalidad ang naaresto nila at sa pamamagitan aniya ng mga ito ay matutukoy ang mga iba pang kasama sa grupo.
Sinabi ni Gamboa, kapag may kasama sa grupo na taga-gobyerno at may warrant of arrest laban sa mga ito ay aarestuhin din ang mga ito.
Sinasabing may mga pulis at sundalo na kabilang sa KAPA.
Sa ngayon, ayon kay Gamboa, pag-aaralan pa niyang mabuti ang mga specific instruction para sa bubuuing Special Task Group.