Sinuspinde ng Philippine Retirement Authority (PRA) ang pag-iisyu ng special visas para sa mga foreign retirees sa harap ng nagpapatuloy na pag-review sa kanilang mga polisiya.
Sa abiso ng PRA, hindi muna sila tatanggap at magpoproseso ng aplikasyon para sa bagong Special Retirees Visa (SRRV) sa kanilang head at satellite offices.
Ayon kay PRA General Manager and Chief Executive Officer Bienvenido Chy, mananatiling epektibo ang suspensyon habang nagsasagawa ng review sa mga programa ng SRRV at magkaroon ng pagtalima sa mga direktibang itinakda ng Board of Trustees ng PRA.
Una nang ipinag-utos ni Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat na magpatupad ng programa para sa regular monitoring ng profile at activities ng active SRRV holders sa tulong ng Bureau of Immigration (BI), Department of Justice (DOJ), at Department of Labor and Employment (DOLE).
Inatasan din ni Puyat ang PRA na makipag-ugnayan sa Tourism Promotions Board na bumuo ng marketing at product development plans at benchmarking sa kanilang retirement program sa iba pang bansa.