Special work permit ng 34 Chinese worker sa isang construction site, pinaiimbestigahan na

Nakikipagtulungan na ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa umano’y special work permit ng mga manggagawang Chinese na nakuhanan ng video na nagtatrabaho sa isang pribadong construction company.

Ito ay matapos na makumpirma ng DOLE na may 34 manggagawang Chinese sa isang construction site.

Kabilang dito ang limang supervisor ang may alien employment permit at 29 ang may special work permit.


Sa interview ng RMN Manila kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ipinag-utos na niya na imbestigahan kung paano nabigyan ng permit ng 34 Chinese worker.

Pero aminado si Bello na kulang sa pangil ang batas laban sa mga dayuhang nagta-trabaho sa bansa.

Bukod rito, aabot lang din aniya sa 900 ang kanilang mga labor inspector sa buong bansa.

Batay kasi sa supplemental guidelines for special work permit ng BI, bawal sa mga foreign worker ang pagiging construction worker, cashier, waiter, janitor, household worker, karpintero, garbage collector, security guard at warehouse caretaker.

Facebook Comments