SPES PROGRAM, NAGBIGAY NG PANSAMANTALANG TRABAHO SA ESTUDYANTE SA ISABELA

Cauayan City – Nabigyan ng pansamantalang trabaho ang 3,474 na estudyante sa Isabela, sa ilalim ng Special Program for the Employment of Students (SPES) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon sa DOLE, ang mga benepisyaryo ay itatalaga sa 11 pribadong establisyemento, 22 bayan, tatlong lungsod, isang pribadong unibersidad, at sa pamahalaang panlalawigan ng Isabela.

May ilang estudyante na rin ang nauna nang naitalaga at kasalukuyang nagtatrabaho ngayong buwan ng Mayo.

Naglaan ang ahensya ng mahigit P15.88 milyon bilang bahagi ng pondo para sa pagpapatupad ng programa ngayong taon. Layunin nitong matulungan ang mga mahihirap at karapat-dapat na estudyante na makapagtrabaho ngayong bakasyon.

Ang SPES ay para sa mga kabataang nasa edad 15 hanggang 30 taong gulang na kasalukuyang nag-aaral. Sa pamamagitan nito, nabibigyan sila ng pagkakataong makapagtrabaho sa mga pribadong kompanya, mga lokal na pamahalaan, at ahensya ng gobyerno tuwing walang klase.

Ayon kay Senior Labor and Employment Officer Kathleen Rose Aquino, bukod sa kita, nabibigyan ang mga estudyante ng pagkakataong magkaroon ng karanasan sa tunay na trabaho, malinang ang kanilang kakayahan, at madiskubre ang kanilang lakas bilang paghahanda sa kanilang mga magiging karera

Matatandaang nakaraang taon, umabot sa 2,121 estudyante ang nakibahagi sa programa na may kabuuang pondo na P9.5 milyon.

Facebook Comments