‘Spiderman’ nanggulo sa PBA finals

2587

Nagkagulo sa loob ng Araneta Coliseum matapos pumasok ang isang lalaking nakasuot ng Spiderman costume sa kasagsagan ng laban ng Magnolia Hotshots kontra San Miguel Beermen ngayong gabi.

Binangga at sinimplehan ng suntok si June Mar Fajardo ng lalaki.

Tumulong din sina SMB players Christian Standhardinger at Chris Ross sa paghuli sa streaker. Dinala agad sa security office ang lalaking umeksena.

Saglit ding nahinto ang laro dahil sa biglaang pangyayari. May dala ring placard ang streaker na may sulat na “Vote Love, Love PBA, Love Philippines.”

Isa pang lalaking nakapwesto malapit sa SMB bench ang binitbit ding palabas ng security.

Nasa fourth period na ng Game Five ng PBA Philippine Cup Finals sa pagitan ng SMB at Magnolia nang maganap ang insidente.

Ayon sa pamunuan ng PBA, magsasampa sila ng kaso kay ‘Spiderman’. Pahayag ni Commissioner Willie Marcial, nagulat siya dahil ito ang unang beses na may pangyayaring hindi kanais-nais.

Sa ngayon, wala pang nakakaalam sa pagkakakilanlan ng lalaki.

Facebook Comments