Manila, Philippines – Para sa pagpapabilis ng pagpapabalik ng mga OFW na lisensiyadong public school teachers, inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Department Order no. 190 Series of 2018, na naglalaman ng mga panuntunan para sa pagpapatupad ng programang “Sa ‘Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir” o SPIMS.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, upang maging benepisyaryo ng SPIMS program, ang aplikante ay dapat na isang Filipino citizen o mayroong Philippine passport; OFW-LET passer na mayroong karanasan sa pagtuturo nang hindi bababa sa isang taon sa loob ng nakalipas na limang taon; at dapat na hindi nanirahan sa bansa ng tatlong taon.
Nakapaloob rin sa nasabing Department Order ang mga panuntunan para sa pagpili ng mga benepisyaryo.
Kasunod ng paglabas ng panuntunan, sinabi ng kalihim na nilalayon ng kautusan na matiyak ang pagpapatuloy ng SPIMS Program at maibsan ang kakulangan sa mga pampublikong guro sa bansa.