Sinimulan na ang sponsorship ng labing-isa panukala kaugnay sa franchise renewal ng ABS-CBN at isang panukala patungkol naman sa pagbibigay ng bagong prangkisa sa ABS-CBN hanggang 2022.
Sa sponsorship ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, ang may-akda ng panukala na pagbibigay ng panibagong franchise ng network, iginiit nito na isang Pilipino ang Chairman Emeritus ng ABS-CBN na si Mr. Gabby Lopez.
Paliwanag ni Rodriguez, batay sa principle ng nationality law na Jus Sanguinis ay isang Pilipino si Lopez dahil parehong Pilipino ang mga magulang nito kahit pa ito ay ipinanganak sa Estados Unidos na nagsasabing ito ay US citizen sa ilalim naman ng Jus Solis o Law of the Soil.
Pero dahil sa Jus Sanguinis ay malinaw na Pilipino si Lopez at wala itong nilalabag sa citizenship kahit noong ito pa ang chairman ng kumpanya.
Nauna rito ay umapela naman si Deputy Speaker at 1SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta na paharapin sa susunod na pagdinig si Lopez para bigyang linaw ang mga isyu na ibinabato dito.
Nilinaw naman ni Legislative Franchise Chairman Franz Alvarez na hearing na rin ng franchise renewal ang dinidinig ngayon sa joint hearing ng Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability pero pagdating sa botohan sa prangkisa ay tanging House Committe on Legislative Franchises members lamang ang boboto.
Umalma naman sina Anakalusugan Rep. Michael Defensor at ACT Teachers Rep. France Castro na dapat ay bagong panukala para sa bagong prangkisa ang dinidinig ngayon dahil wala nang ire-renew matapos na mapaso ang ABS-CBN franchise noong Mayo 4.