Spox Roque, naniniwalang kaya napagkalooban ng absolute pardon si Pemberton ay dahil sa “national interest”

Walang sama ng loob si Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos nitong pagkalooban ng absolute pardon si US Marine Joseph Scott Pemberton.

Si Roque na dating abogado ng pamilya Laude, sinabing nirerespeto niya ang desisyon ng Punong Ehekutibo.

Ayon sa kalihim, sa kanyang personal na opinyon kaya pinili ng Pangulo na pakawalan o bigyan ng absolute pardon si Pemberton ay dahil mayroong mas importanteng national interest na dapat pangalagaan si Pangulong Duterte at ito ay ang pagkakaroon ng bakuna ng bansa laban sa COVID-19.


Maliban kasi sa Russia, kabilang ang Estados Unidos sa mga bansang nagde-develop ngayon ng bakuna panlaban sa COVID-19.

Paliwanag ng kalihim, kung para sa kapakanan ng mas nakararami at kung lahat ng mga Filipino ay mababakunahan ng gamot kontra COVID-19 ay wala siyang problema hinggil dito.

Giit pa ni Roque, hindi na siya nasorpresa sa naturang desisyon at kaniya na ring tinanggap ang realidad na may importanteng interes na dapat itaguyod ang Pangulo.

Ani Roque, ang pagbibigay ng parole o pardon ay maituturing na ‘most presidential of all presidential powers’ kung saan walang sinuman ang maaaring kumwestiyon dito, saan mang korte.

Facebook Comments