Thursday, March 5, 2026

SoKor national na may Interpol Red Notice at gumagamit ng pekeng dokumento, nadakip ng Immigration

Isang South Korean (SoKor) national ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa paggamit ng mga pekeng dokumento.

Ayon sa BI, nadakip ng mga operatiba mula sa Fugitive Search Unit sa Laurel, Batangas ang 62 taong gulang na si Kim Yang Cheol matapos makatanggap ng mga reklamo na gumagamit ito ng iba’t ibang pagkakakilanlan.

Napag-alaman na may pinekeng passport at Philippine civil registry documents si Kim na inisyuhan pala ng Red Notice ng Interpol dahil sa kasong fraud sa SoKor.

Umabot sa 1 billion Korean Won o katumbas ng mahigit P39.8 million ang nakuha ng suspek mula 2009 dahil sa mga panloloko sa investors kung saan sinabi pa nitong may gaming firm, travel agency at online shopping platform na naka-base sa Pilipinas.

Itinuturing din siyang overstaying alien at nasa ilalim ng watchlist order at blacklist order dahil sa pagiging pugante.

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng BI si Kim habang hinihintay ang kaniyang deportasyon.

Facebook Comments