Mananatili pa ring limitado ang operasyon ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund) at Land Transportation Office (LTO) sa pag-iral ng Alert Level 4 sa Metro Manila.
Ayon kay SSS spokesperson Sau Mapalo, limitado pa rin ang face-to-face transactions sa kanilang mga tanggapan pero ire-review ng ahensiya ang kanilang mga panuntunan alinsunod sa bagong alert level system.
Patuloy naman ang drop box system sa mga nagpa-file ng mga claim.
Sa Pag-IBIG, sinabi ni Spokesperson Kalin Franco Garcia na bukas pa rin ang kanilang mga tanggapan kahit ipatupad na ang Alert Level 4 sa Kamaynilaan.
Bukas din ang mga counter ng Pag-IBIG para sa payment at cash card application habang ang ibang transaksyon ay maaaring idaan sa drop box.
Samantala, bagama’t tuloy rin ang operasyon ng GSIS ay hinikayat ni GSIS Vice President Marge Jorillo ang mga miyembro at pensioner na idaan na lang sa online ang transaksyon.
Sa LTO, sinabi ni LTO chief Ed Galvante na bukas din ang kanilang mga tanggapan pero 50% lang ang kapasidad.
Tatanggap pa rin ng mga walk-in ang LTO pero kailangang sumunod sa health protocols.