SSS, hindi pipilitin ang mga OFW na maghulog ng kontribusyon

Manila, Philippines – Nilinaw ng Social Security System (SSS) na hindi pipilitin ng ahensya ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na maghulog ng kontribusyon kung wala itong natanggap na sahod.

Ito ay kahit ganap ng batas ang Social Security Act of 2018 na mandatory SSS membership ng lahat ng OFW.

Ayon kay SSS President Emmanuel Dooc, tinatalakay pa ngayon ang probisyon na magpapahintulot sa mga OFW na mabayaran ang mga namintis na hulog.


Sa draft kasi ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng SSS, P960 ang pinakamababang puwedeng ihulog ng isang OFW at P2,400 ang pinakamataas.

Giit pa ni Dooc, dapat isipin ng mga OFW ang mga benepisyong matatanggap kapalit ng kontribusyon.

Aniya, may tatlong buwan pa ang SSS para maglabas ng IRR kaya posibleng Abril o Mayo pa maipatutupad ang bagong patakaran.

Facebook Comments