SSS, MULING NAGKASA NG RACE CAMPAIGN SA ISABELA

Cauayan City, Isabela- Muling nagsagawa ang Social Security System (SSS) ng kampanya laban sa mga delingkwenteng employer sa pamamagitan ng ika-limang bugso ng RACE Campaign o Run After Contributions Evaders Operations sa Lungsod ng Cauayan at Reina Mercedes, Isabela.

Apat (4) na delinquent employers ng anim na business establishments kabilang na ang isang kooperatiba ang personal na binisita ng grupo upang paalalahanan na ayusin ang kanilang obligasyon gaya ng hindi pagbabayad ng kontribusyon at penalty at hindi pag-uulat ng kanilang empleyado.

Tinatayang aabot sa kabuuang halagang P1,522,865.81 ang dapat na bayaran ng apat na delinquent employers kabilang na rito ang Principal at penalty.

Binigyan ang mga employer ng written order para sa kanilang pagbabayad sa loob ng 15 araw.

Kung hindi naman sumunod at nagbayad ang mga delingkwenteng employer ay maaari na silang sampahan ng kaukulang kaso.

Bilang tulong ng SSS sa mga binisitang employer, inialok sa mga ito ang Pandemic Relief and Restructuring Program *3* (*PRRP 3*) Enhanced Installment Payment Program na maaari nilang applayan hanggang Nobyembre 2022.

Naging matagumpay naman ang ikinasang operasyon ng SSS dahil agarang nag-comply ang mga delinquent employer kung saan ilan sa kanila ay nag-apply ng PRRP 3 habang ang iba ay nagbayad na.

Sinabi naman ni SSS Luzon North 2 Division Vice President Porfirio Balatico na epektibo ang kanilang ginagawang kampanya para masingil at mag-comply ang mga pabayang employer.

Pinangunahan Atty. Antonio Argabioso, SVP, Luzon Operations Group; Atty. Vic Byron Fernandez, DM III, Luzon Central I, Legal Dept. RACE Coordinator; Mr. Porfirio Balatico, VP Luzon North II Division; Atty. Vicente Sol Cuenca, head ng SSS Legal Dept; Ms Catherine De Leon, Accounts Management Section Head; Mr. Reynante Fernando, Branch Head at ilang kawani ng SSS Cauayan.

Facebook Comments