Hiniling ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sa liderato ng Kamara na isama sa priority legislation ang panukala para sa agad na pagbibigay ng second tranche ng Social Security System (SSS) pension hike.
Ayon kay Zarate, noong Marso pa inaprubahan sa Committee on Government Entreprises and Privatization ang second tranche ng dagdag na SSS pension kaya naman umaapela na siya na isama ito sa mga prayoridad na panukala ng Kamara.
Sa ilalim ng House Joint Resolution no. 1 ay hinihimok ang agad na pagri-release ng second tranche na ₱1,000 na SSS pension hike.
Tinukoy ng kongresista na maraming senior citizens ang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo bukod pa sa epekto sa kanila ng COVID-19 pandemic.
Kailangan na kailangan na aniya ng mga matatanda ang dagdag na isang libong SSS pension para maibsan naman kahit kaunti ang bigat na dulot ng pandemya at mga kalamidad.
Bukod sa pinamamadali ang pag-apruba sa SSS pension hike, nanawagan din si Zarate na bilisan na rin ang pagpapatibay sa House Bill 241 o ₱1,000 na dagdag sa social pension.