Inamin ng pamunuan ng Social Security System (SSS) na maikling panahon o hanggang dalawang taon na lamang ang posibleng itagal ng kanilang operasyon kung pagbabasehan ang natitira sa kanilang reserve fund.
Sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts, sinabi ni SSS Chief Actuary Atty. Edgar Cruz na bagama’t nasa ₱540 bilyon pa naman ang kanilang reserve fund, hindi ito tatagal kung hindi maipapatupad ang reporma tulad ng pagtataas sa premium rate contribution dahil iikli ang fund life ng ahensya.
Paliwanag ng opisyal, hindi naman maaaring kung kailan paubos na ang pondo ng SSS ay saka lang gagawa ng paraan dahil ang reporma ay unti-unting ipatutupad sa loob ng mahabang panahon.
Sinegundahan ito ni SSS President and CEO Aurora Ignacio at sinabing ito ang dahilan kaya malamig sila sa panukalang ipagpaliban ang dagdag na kontribusyon sa SSS.
Paliwanag ni Ignacio na malaking bahagi mula sa buwanang kontribusyon ng mga myembro ang napupunta sa pension benefits at iyong matitira lang ang nadadagdag sa reserve funds.