SSS, tiniyak na maraming benepisyo ang hatid ng SSS Rationalization Law

Manila, Philippines – Tiniyak ng Social Security System (SSS) ang mas maraming benepisyo kapag nasimulan na ang pagbabayad ng mas mataas na kontribusyon.

Alinsunod ito sa bagong Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ilalim ng bagong batas, sisimulan ngayong taon ang unti-unting pagtaas ng contribution rate hanggang maging 15 porsiyento sa 2025.


Ngayong taon magiging 12 porsiyento ang contribution rate mula 11 porsiyento.

Gaya ng dati, sagot pa rin aniya ng employer ang malaking bahagi nito at 1/3 lang sa manggagawa.

Paliwanag ni SSS President Emmanuel Dooc, nabawasan kasi ang buhay ng pondo ng SSS noong 2017 nang ipatupad ang unang P1,000 pension increase kada buwan para sa 2.5 milyon pensioners ng SSS.

Sabi pa ni Dooc, bukod sa mga umiiral nang benepisyo ang mga aktibong miyembro ay magkakaroon na ng unemployment insurance o involuntary separation benefit.

Nakatakdang maglabas ng Implementing Rules and Regulations (IRR) at magpatawag ng public hearing ang SSS para maging mas malinaw sa kanilang mga miyembro ang bagong batas bago ito ipatupad.

Facebook Comments