Naglabas ng pahayag ang pamunuan ng St. Luke’s Medical Center kaugnay sa doktor na nakunan ng video na sinisigawan at inaalipusta ang dalawang nakaalitang motorista.
Ayon sa SLMC, hindi konektado o nagtratrabaho sa kanilang ospital ang manggagamot na kinilalang si Dr. Tomas Joaquin Mendez.
Kamakailan, kumalat sa social media ang retrato ni Mendez habang nakasuot ng smock gown na may logo ng naturang pagamutan.
“Upon checking our records, Dr. Mendez was a former ENT resident trainee and he was never a part of St. Luke’s roster of practicing physicians,” paglilinaw ng management ng St. Luke’s.
“Recognized as the leading and most respected healthcare institution in the Philippines, St. Lukes will never condone this type of behavior,” dagdag pa ng ospital.
Nauna nang ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) si Mendez para magpaliwanag hinggil sa naturang insidente.
Maaring makansela ang lisensya ng doktor dahil sa paglabag sa Traffic Code o Republic Act No. 4136.
Nakasaad sa inihaing show cause order na kailangan magtungo ni Mendez sa LTO Central office sa Huwebes, Disyembre 5.
Samantala, pinayuhan ng Department of Transporation (DOTr) na magsagawa ng kaukulang aksyon ang Professional Regulation Commission (PRC) at Philippine Medical Association (PMA) sa manggagamot na dawit sa road rage.