Sta. Cruz Church, may paalala sa mga deboto sa araw ng kapistahan ng Poong Itim na Nazareno

Ipinaalala ngayon ng pamunuan ng Sta. Cruz Church o ang Our Lady of the Pillar Parish na hindi nila papasukin sa loob ng simbahan ang mga deboto na nakayapak  o walang suot na sapatos, sandals o tsinelas sa araw ng kapistahan ng Poong itim na Nazareno.

Bukod dito, nananawagan sila sa mga deboto na sundin ang ipinapapatupad na minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield habang mahigpit nilang bilin na pairalin ang physical distancing sa loob at labas ng simbahan.

Lilimitahan din ang pagpasok ng mga deboto sa loob ng simbahan kung saan magsasagawa ng walong misa sa mismong araw ng kapistahan.


Bukod dito, ang mga deboto naman na hindi makakapunta sa simbahan ay maaaring mapanood ang misa sa Official Facebook page ng Sta. Cruz Church.

Samantala, para magkaroon ng pagkataon ang mga deboto na makapag-simba sa araw ng kapistahan, nasa 15 misa ang gagawin sa Quiapo Church, anim sa San Sebastian Church at apat sa Nazarene Catholic School.

Wala naman balak pa ng putulin ang signal ng mga cellphone dahil walang traslacion o prusisyon na magaganap pero paalala ni Manila Police District (MPD) Director Police Brigadier General Leo Francisco sa mga deboto na huwag magdala ng bag na hindi transparent o hindi nakikita ang laman nito.

Sinabi pa ng opisyal na aabot sa 7,000 pulis katuwang ang security forces ang ipapakalat sa pista ng Poong Itim na Nazareno sa Sabado.

Facebook Comments