Pinabulaanan ng Starpay Corporation ang mga alegasyon ni Senator Manny Pacquiao at pinanindigan ang kanilang financial integrity.
Ang Starpay ay ka-partner ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa digital payout ng cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Matatandaang sinabi ni Pacquiao na ang DSWD ay nagbigay ng 207.6 billion pesos para sa second tranche ng SAP, at higit-kumulang 50 billion pesos ay napunta sa Starpay, na mayroong start-up capital na nasa 62,000 pesos.
Depensa ng Starpay, ang required capitalization para mag-apply para sa EMI license ay nasa 100 million pesos.
“Senator Manny Pacquiao’s statement during his press conference that our current capitalization is P62,000 is incorrect, while the correct and accurate figures are easily verifiable with the Securities and Exchange Commission,” sabi ng kumpanya.
Iginiit ng Starpay na nakapag-liquidate na sila ng pondong ibinigay sa kanila at ni-refund ito sa pamamagitan ng mga tseke na nagkakahalaga ng 8.239 billion pesos, at inihulog sa Land Bank account ng DSWD.