Kinagiliwan ang isang manlalaro ng Mobile Legends (ML) matapos itong maghandog ng tulong sa mga biktima ng lindol sa Mindanao, sa pamamagitan lamang ng pangongolekta ng stars mula sa kanyang mga tagasubaybay.
Bawat isang star kasi na makukuha ng isang gamer sa tuwing sila ay maglalive-stream online ay may katumbas na halaga na minsan ay umaabot sa libong-dolyar.
Kumikita ang mga gamers sa isang araw dahil sa mga stars na ito na nagsisilbing ‘tip’ nila sa kanilang mga fans.
Maaalalang nito lamang mga nagdaang Linggo, sunud-sunod na pagyanig ng lindol ang naramdaman sa Mindanao na nag-iwan ng malaking pinsala sa lugar.
Bilang tulong, ang naturang expert gamer sa likod ng hero na kilala bilang CHoOx TV ang naglunsad ng “Star for a Cause” na may layong tumulong sa mga biktima ng lindol.
Katuwang ang kanyang mga fans, nagkaroon ng pitong araw ang naturang pangongolekta.
Sa facebook post nito sinabi niyang, “Para makatulong sa mga biktima ng lindol sa North Cotabato, Magbibigay ng donasyon ang CHoOx TV at mga Moderators.
“Para sa mga supporters at star senders, lahat ng STARS na makukuha sa livestreams ko mula sa inyo simula Nov 2 hanggang Nov 8, 2019 ay buong pusong ibabahagi para sa mga biktima ng lindol.”
“Salamat sa lahat ng fans at supporters, sana matulungan natin ang ating kababayan.”
Nob. 2 ang naging unang araw ng donasyon at agad na pumalo sa Php70,000 ang nakalap nila.
Sumunod na araw ay umabot sa Php40,000 at sa pangatlong araw ay nasa Php50,000.
Ipinagpatuloy ng gamer ang donasyon at bilang pauna, ang inisyal na halagang nakalap ay agad ipinamili ng saku-sakong bigas, mga delata, noodles, at marami pang iba.
Kasama ang iba pang volunteers, tulung-tulong sila sa pagpa-pack ng mga pagkain para agad na maidala sa Mindanao.