Pinadodoble ni Anakalusugan Partylist Rep. Michael Defensor ang starting pay ng mga government nurses.
Sa ilalim ng House Bill 7933 na inihain ni Defensor ay pinatataasan niya mula sa Salary Grade 15 sa Salary Grade 21 ang entry-level monthly pay sa mga government nurses o katumbas ng P60,901.
Sa kasalukuyan aniya ang mga nurses na na-hire sa mga pagamutang pinapamahalaan ng Department of Health (DOH) ay nakakatanggap ng starting pay na P32,053.
Iginiit ni Defensor na hindi man mapantayan ng bansa ang starting pay ng mga nurses sa North America at Europe ay maaari namang matumbasan ng bansa ang rate na iniaalok ng mga employers sa Middle East.
Inihalimbawa pa ng kongresista ang paunang sweldo ng mga nurses sa Saudi Arabia na nasa P60,000 sa mga ospital at P80,000 naman sa mga “private duty” nurses.
Layunin ng panukala na maiwasan ang pagkaubos ng mga nurses sa bansa dahil sa patuloy na pag-a-abroad at maitaas din ang standard living ng mga ito.
Taon-taon aniya ay 19,000 nurses na ang nawawala sa ating bansa para magtrabaho sa mga foreign employers kumpara sa 12,000 Filipino nurses na nag-a-abroad sampung taon ang nakalipas.