State of Calamity, Idineklara sa Isabela dahil sa COVID-19

Cauayan City, Isabela– Inilagay na sa State of Calamity ang Probinsya ng Isabela para mapaghandaan ang banta laban sa coronavirus disease o COVID-19.

 

 

Ito ay pinagtibay sa resolusyon na pirmado ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.

 

 

Ayon kay Provincial Information Officer Elizabeth Binag, ito ay upang makapagpatupad ng mga hakbang laban sa nakamamatay na sakit.


 

 

Sinabi pa ni Binag na ito ay dahilan na rin ng pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng State of Public Health Emergency sa bansa at mapabilang sa Sub-Level 2 dahil sa COVID-19.

 

 

Kaugnay nito, dumating na rin ang ilang kagamitan bilang paghahanda sa posibleng pagtama ng COVI-19 sa probinsya.

 

 

Paliwanag pa ni Binag na umakyat na sa 5 ang inoobserbahan ngayon sa mga ospital sa Santiago at Tuguegarao matapos makitaan ng sintomas ng COVID-19.

 

 

Samantala, ilang bayan na sa Isabela ang nagdeklara ng suspensyon ng klase simula sa March 16, hanggang April 13 para makaiwas sa sakit.

 

 

Kanselado rin ang pagdiriwang ng Gawagaway-yan Festival sa Cauayan City maging ang pagdaraos ng CAGAYAN VALLEY ATHLETICS ASSOCIATION sa buong rehiyon dahil sa banta ng COVID-19.

Facebook Comments