Manila, Philippines – Handang-handa na ang Palasyo ng Malacañang para sa state visit ni Chinese President Xi Jinping bukas.
Pagpasok sa Malacañang Compound ay makikita na ang watawat ng China at maging sa mga kalsada na inaasahang dadaanan ni President Xi mula sa Airport patungo sa Malacañang at sa iba pang lugar na pupuntahan nito.
Inaasahang darating bukas si President Xi bago mag 12:00 ng tanghali sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1, pasado 4:00 ng hapon ay pupunta ito sa Rizal Park para sa Wreath Laying Ceremony bago ito pumunta sa Malacañang kung saan sasalubungin ito ni Pangulong Duterte at ng ilang gabinete nito.
Tulad ng ginagawa ng mga bumibisita sa Malacañang ay lalagda din si President Xi sa guestbook ng Palasyo, pagkatapos nito ay dadalo ito sa expanded bilateral meeting kasama ang kanyang official delegation at si Pangulong Duterte at ang kanyang gabinete.
Sasaksihan din naman ni Pangulong Duterte at President Xi ang ilang kasunduan sa pagitan ng Pilipians at China at magkakaroon din ang mga ito ng Joint Press Statement.
Hahandugan din naman ni Pangulong Duterte ng State Banquet si President Xi na siya namang dadaluhan din ng iba pang matataas na opisyal ng Pamahalaan.