Manila, Philippines – Naniniwala ang Palasyo ng Malacañang na isang magandang oportunidad ang pagbisita ni Chinese President Xi Jinping sa bansa para mapatatag pa at mapaunlad ang bilateral relationship ng Pilipinas at China.
Matatandaang bukas ay darating sa bansa si President Xi para sa kanyang dalawang araw na state visit.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, ang China ngayon ay itinuturing na pinakamalaking trading partner, nangungunang export market at pinakamalaking tourist source ng Pilipinas at mas uunlad pa ito sa pagbisita ng President Xi simula bukas.
Kinilala din naman ni Panelo ang mga hakbang na ginagawa ng China para isulong ang katatagan ng rehiyon sa pamamagitan ng mga dayalogo at konsultasyon sa pagharap sa issue ng South China sea.
Tiniyak ni Panelo na kaisa ang Pilipinas sa pagtutulungan ng dalawang bansa dahil ang pagkakaibigan ay reresolba sa international disputes at magpapalakas pa ng pagkakaisa para sa pagtiyak ng seguridad, paglaban sa terorismo, kriminalidad at iligal na droga.
Naniniwala din si Panelo na sa pamamagitan ng makatotohanan, diplomatic pero independent foreign policy ni Pangulong Rodrigo Duterte ay magbubukas pa ng mas maraming oportunidad na magpapaunlad pa ng kooperasyon at pakikipagkaibigan sa China.