Nanatiling nasa low-risk ang status ng COVID-19 sa Quezon City sa kabila ng naitalang pagtaas ng mga kaso sa lungsod.
Naglabas ng paglilinaw ang Department of Health (DOH) kasunod ng pagsasailalim ng lokal na pamahalaan sa ‘Yellow Alert Level’ status sa QC na batay sa early warning system ng lungsod.
Ayon sa pahayag ng DOH, base sa Inter-Agency Task Force (IATF) guidelines, ikinokonsidera rin ang admission of trends at healthcare utilization hindi lamang ang pagtaas ng mga kaso sa pagdedesisyon ukol sa COVID-19 Alert Level Status.
Matatandaang itinaas ng QC-Local Government Unit ang ‘Yellow Status’ sa lungsod matapos makapagtala ang QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit (QCESU) ng average na 26 kaso ng COVID-19 kada araw noong nakaraang linggo.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang ‘Yellow Status’ ay upang mas masusubaybayan ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 nitong nakalipas na tatlong araw at magabayan ang lokal na pamahalaan para sa agarang pagtugon nito.