Mananatili ang status quo sa mga travel restrictions hangga’t walang desisyon mula sa Local Governmemt Unit (LGU) na paluwagin ang mga galaw ng mga tao sa kanilang mga lugar.
Ito ang inihayag ni PNP Deputy Chief for Administration at JTF COVID Shield Commander Pol. Lt. Gen. Guillermo Eleazar makaraang payagan ng Inter-Agency Task Force on Mitigating Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang “unrestricted travel” sa lahat ng panig ng bansa.
Pero paglilinaw ni Eleazar na ang “unrestricted travel policy” ay subject pa rin sa regulasyon ng mga LGU lalo na kung mayroon silang sariling quarantine rules.
Ito aniya ang dahilan kaya inatasan ang mga local police commanders na makipag-ugnayan sa mga LGU para sa mga travel protocols na ipatutupad sa kani-kanilang mga areas of responsibility.
Paliwanag ni Eleazar, maaari kasing may mga LGU na nais agad buksan ang kanilang mga lugar para mabuhay ang lokal na turismo at mayroon ding mga LGU na gusto pa ring panatilihin ang travel protocols para sa kaligtasan ng kanilang mamamayan.
Siniguro ni Eleazar na patuloy na tutulungan ng JTF COVID Shield ang mga LGU sa pagpapatupad ng kanilang local quarantine restrictions.