Nanawagan ang Department of Transportation (DOTr) sa mga kumakandidato sa national elections na huwag haluan ng pamumulitika ang pamamahagi ng tulong sa mga naapektuhan ng Bagyong Odette.
Ginawa ni DOTr Secretary Art Tugade ang apela sa gitna ng agawan sa kredito ng mga kumakandidato sa kung sino ang naunang nagresponde sa typhoon-affected areas.
Aniya, kung tutuusin mas maagap pa ang mga ahensya ng gobyerno sa pagtugon sa mga tinamaan ng kalamidad pero, hindi na nangangailangan ng publisidad.
Aniya, ito ang panahon ng sama-samang gumagawa ng aksyon para ayudahan ang mga nawalan ng tirahan at kabuhayan at hindi na dapat namumulitika.
Giit ni Tugade, ang DOTr at iba pang key government agencies ay on top of the situation at agad na nagpatupad ng pre-emptive measures bago pa man tumama sa kalupaan ang Bagyong Odette.
Agad aniyang inilagay sa alert level ang Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Ports Authority (PAA) at ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na agad na nakapagresponde sa mga lugar na matinding hinagupit ng bagyo.