Pinatutulungan din sa gobyerno ang daan-daang stranded na Filipino seafarers sa gitna ng krisis sa bansa sa COVID-19.
Ayon kay Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Partylist Rep. Raymond Mendoza, Chairman ng House Committee on Overseas Workers Affairs, kailangan, aniyang, mabigyan ng malinaw na interventions ang daan-daang stranded na mga Pinoy seamen hindi lamang iyong mga nasa ibang bansa kundi pati na rin ang mga taga-Metro Manila na inabot na ng lockdown at hindi na nakasakay ng barko.
Paliwanag ni Mendoza, ang mga nai-stranded na seafarers na walang Collective Bargaining Agreement (CBA) sa kanilang kumpanya o agency ay walang ibang aasahan para sa kanilang tutuluyan at kakainin kundi ang kanila lamang mga sarili.
Samantala, sa mga stranded seafarers na may CBAs, ang tanging sakop lamang ay board and lodging sa loob lamang ng 14 days quarantine period.
Pakiusap ng mambabatas sa Department of Labor and Employment (DOLE), kung hindi mabibigyan ng pagkain at accommodations ang mga stranded seafarers ay asikasuhin ang mga ito na mapabalik sila sa kanilang mga probinsya.