Isa sa skill na natuklasan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga naghahanap ng trabaho ngayong ‘new normal’ ay stress tolerance.
Ito ang lumabas sa JobsFit COVID-19 Labor Market Information Report ng DOLE, na tumatalakay sa impact ng COVID-19 pandemic sa labor market.
Ayon sa DOLE, ang mga dominanteng skills ng mga jobseeker ay digital literacy, financial literacy, occupational safety and health skills, integrity kabilang ang physical, mental at reproductive health at stress tolerance.
Bago ang pandemya, ang top skills ng mga jobseeker ay ang mga sumusunod: team player; social awareness; problem sensitivity; self-motivation; planning at organizing; decision-making; creative problem solving; innovation; English functional skill; at comprehension; at multi-tasking.
Lumalabas din sa report na mayorya ng mga naghahanap ng trabaho ay mga fresh graduates o mga bagong salta sa labor force.
Mayorya ng jobseekers ay binigyang diin ang pangangailangan para sa digital at technical skills.
Ang mga industriyang may malaking bilang ng job vacancies ay Business Process Outsourcing (BPO), Information and Communication Technology (ICT), manufacturing, financial intermediation, sales, retail, at medical at healthcare.
Ang mga umuusbong na trabaho ngayong pandemya ay guro, engineers, administrative assistants, system developers, software developers, programmers, web developers, supervisors at real estate at property positions.