Strike teams ipapakalat malapit sa mga casino para matutukan ang tumataas na kaso ng kidnapping

Ipapakalat ng PNP Anti-Kidnapping Group ang dalawang strike teams malapit sa mga casino.

Ito ay para matutukan ang mga kaso ng kidnapping ng mga Chinese na may kinalaman sa pagkakautang dahil sa mga sugal sa casino.

Ayon kay AKG Director Colonel Jonnel Estomo, maglalagay sila ng AKG Satellite Office sa strategic area sa Southern Metro Manila kung saan nakapwesto ang mga casino.


Sa pamamagitan nito ay mas mabilis silang makareresponde sa mga ulat ng kidnapping.

Sa datos ng AKG mula 2017 hanggang 2019 pumalo na sa 53 ang kidnapping incidents na kinasasangkutan ng mga Chinese.

Sa nasabing bilang, 120 na ang kanilang naaresto kung saan karamihan sa mga ito ay nasampahan na ng kasong kidnapping at illegal detention.

Nabatid na modus ng mga tinatawag na loan shark na tiktikan ang kanilang kababayan mula China at imbitahan sa Pilipinas.

At pagdating ng Pilipinas, bibigyan ng accommodation at pauutangin para waldasin sa mga casino.

Kapag hindi makabayad, ikukulong nila ang biktima sa isang hotel saka sisingilin ang pamilya nito sa China.

Facebook Comments