Striktong pagpapatupad ng Anti-Bullying Act, hiniling ng isang senador

Umaapela si Senator Sherwin Gatchalian para sa striktong pagpapatupad sa batas na Anti-Bullying Act of 2013.

Tugon aniya ito sa lumalalang insidente ng bullying sa mga paaralan sa bansa na iniuugnay sa mababang performance ng mga learner.

Tinukoy sa pag-aaral na isinagawa ng isang propesor ng De La Salle University na batay sa 2018 Program for International Student Assessment (PISA), ang mga mahihina o hindi marunong bumasa ang mas lantad sa bullying at nakararanas ng “low sense of belonging.”


Bukod sa mariing pagpapatupad ng batas laban sa bullying, binigyang-diin din ni Gatchalian ang papel ng Child Protection Committee (CPC) sa mga eskwelahan para maiwasan ang bullying.

Ang CPC ang inaatasan na humawak ng mga kaso ng bullying sa mga pribado at pampublikong paaralan.

Pinatitiyak ng senador sa Department of Education na dapat ay may CPC ang bawat paaralan sa buong bansa at nasisigurong ito ay may nakalatag na agarang pagtugon, pag-uulat, imbestigasyon at pagdidisiplina sa mga bully.

Facebook Comments