STRIKTONG PAGTITIPID SA ENERHIYA, GASOLINA, AT TUBIG, IPINAG-UTOS SA DAGUPAN CITY

Ipinag-utos ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan ang mahigpit na hakbang sa pagtitipid sa enerhiya, gasolina, at tubig, na nilagdaan kahapon, Marso 23, 2026, bilang tugon sa tumataas na presyo ng langis, kuryente, at iba pang pangunahing bilihin.

Saklaw ng kautusan ang lahat ng tanggapan ng lungsod, kabilang ang mga barangay at government-owned and controlled corporations.

Sa ilalim nito, inaatasan na magtipid sa kuryente ang mga opisina sa pamamagitan ng pagpatay ng ilaw at kagamitan kapag hindi ginagamit, paggamit ng natural na liwanag, at limitadong paggamit ng aircon.

Mahigpit din ang regulasyon sa paggamit ng government vehicles at pagbiyahe, na papayagan lamang kung mahalaga.

Pinababawasan o ipinagpapaliban din ang mga aktibidad tulad ng pista at mga night events na may mataas na konsumo ng kuryente, habang hinihikayat ang pagtitipid sa tubig at pag-aayos ng mga tagas sa mga pasilidad.

Kasama rin sa kautusan ang pagbawas sa hindi prayoridad na gastusin, paggamit ng paperless transactions, at pagsasagawa ng mga pulong sa pamamagitan ng virtual platforms kung maaari.

Bilang bahagi ng pagpapatupad, bumuo ang lungsod ng isang Energy, Fuel, and Water Conservation Task Force na siyang magmo-monitor ng pagsunod, magsasagawa ng inspeksyon, at magrerekomenda ng karagdagang hakbang.

Hinihikayat din ang pribadong sektor na makiisa sa pamamagitan ng pagbabawas ng konsumo ng kuryente at pagpapatupad ng energy-efficient practices.

Agad na epektibo ang kautusan at mananatili hanggang sa ito ay amyendahan o bawiin ng pamahalaan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments