Ipatutupad ang mahigpit na alituntunin upang matiyak ang kaligtasan sa mga pook-pasyalan at resort. Sa Bolinao kaakibat ng koordinasyon ng mga awtoridad at Incident Management Team na tututok sa mga aktibidad simula April 1 hanggang 5.
Kabilang sa alituntunin ang pagbabayad ng kaukulang P40 kada indibidwal bilang one-time User’s Fee sa loob ng apat na pananatili sa bayan, alinsunod sa Bolinao Tourism Code.
Pinapayagan lamang ang paglangoy mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi , at maaari ring ipatupad ang pansamantalang “no swimming policy” kapag mapanganib ang kondisyon ng dagat.
Obligado ang pagsusuot ng life vest sa lahat ng aktibidad sa tubig, lalo na para sa mga bata na dapat ay may kasamang nakatatanda. Ipinagbabawal din ang pag-inom ng alak, paninigarilyo, at pag va-vape sa mga pampublikong lugar.
Hindi rin pinapayagan ang overnight stay o camping sa mga baybayin at pasyalan. Samantala, tungkulin ng mga resort owners na maglaan ng lifeguard at tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga bisita partikular kung lalangoy nang labas sa itinakdang oras.
Magtatalaga din ng command post ang Incident Management Teams sa Patar Beach at Bolinao Falls katuwang ang iba pang law enforcement agencies na inatasang magbantay bente kwatro oras.
Ang sinumang mahuhuling lalabag sa inilabas na kautusan ay maaaring maharap sa kasong Resistance and Disobedience to a Person in Authority, o suspensyon at pagpapawalang bisa ng business permits para sa mga establisyimento.
Layunin ng mga patakarang ito na mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang aksidente habang nagkakasiyahan sa mga aktibidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










