Manila, Philippines – Hiniling ni Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo sa mga security officials na magkaroon ng “strong police presence” sa buong Mindanao.
Sa isinasagawang joint session ng Kamara at Senado para sa pagpapalawig pa ng isang taon sa batas militar sa Mindanao, hiniling ni Dimaporo sa PNP paigtingin at palakasin ang presensya ng mga pulis sa mga lugar sa rehiyon.
Paliwanag ng kongresista, kapag mayroong terorista o may rebelyon sa kanilang lugar ay saka lamang nagkakaroon ng mga pulis at sundalo.
Ang delikado dito ay bumabalik at nagpapalipat-lipat ng lugar ang mga terorista kapag alam nilang wala na ang mga otoridad sa lugar.
Dahil dito, hiniling ni Dimaporo na magkaroon ng permanente at dagdagan ng SAF at regional mobile groups mula sa PNP at AFP.
Samantala, nagpahayag ng suporta si Dimaporo at ang iba pang mga kongresista mula sa Mindanao ng suporta sa martial law.
Aniya, 101% niyang sinusuportahan ang pagpapalawig sa batas militar.
Sinabi nito na dahil sa martial law sa Mindanao ay ligtas ang kanilang pakiramdam at pinagkakatiwalaan nila ngayon ang AFP.