STUDENT-ATHLETE MULA DAGUPAN CITY, WAGI NG GINTONG MEDALYA SA KARATE SA BATANG PINOY 2025

Muling nag-uwi ng gintong medalya si Shane Enrico Vasquez, isang student-athlete mula Barangay Malued, Dagupan City, matapos maghari sa Male Junior Advance Kata sa Batang Pinoy 2025.

Unang sumikat si Vasquez noong 2017 nang makuha niya ang kaniyang unang ginto sa Batang Pinoy.

Mula roon ay tuluy-tuloy na ang kaniyang pag-angat, na sinundan ng mga panalo sa iba’t ibang pambansa at internasyonal na kompetisyon.

Kilala siya ng kanyang mga kasamahan sa tahimik niyang disposisyon ngunit matatag na determinasyon, mga katangiang nagpatibay sa kanyang tagumpay sa martial arts.

Bukod sa sariling pagsasanay, naglalaan din siya ng oras upang magturo at tumulong sa mga mas batang karateka sa isang training center sa Dagupan City, na lalong nagpapalawak sa kanyang impluwensya bilang inspirasyon ng kabataang atleta.

Maliban sa pagsusumikap ay malaki rin umanong tulong ang kaniyang amang si Alejandro Enrico Vasquez, na isa ring trainer at humuhubog sa iba pang batang atleta para mamayagpag sa larangan.

Sa edad na 16, inaasahang lalo pang hihigpit ang kampanya ni Vasquez sa mga darating na torneo habang patuloy niyang hinahasa ang kanyang kakayahan bilang scholar ng National Academy of Sports (NAS) sa Capas, Tarlac at sa mga susunod na laban sa bansa at sa abroad.

Facebook Comments