Subpoena para kay Daraga Mayor Baldo, naisilbi na

Naisilbi na ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang subpoena kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo na itinuturong mastermind sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe at sa bodyguard nito.

Ayon kay Bicol Police Regional Office spokesperson Chief Inspector Malu Calubaquib, pinuntahan ng mga taga-CIDG ang tanggapan ni Baldo para isilbi ang subpoena mula sa Albay Provincial Prosecutor Office.

Pero wala doon ang alkalde nang dumating ang mga awtoridad kaya tumuloy ang mga taga-CIDG sa bahay ni Baldo sa Daraga ngunit wala pa rin ito doon.


Ang ina umano ng alkalde ang siyang tumanggap ng subpoena.

Nauna rito, nagsampa ng kasong double murder at six counts ng frustrated homicide ang PNP laban kay Baldo at sa anim pang kasabwat nito sa pagpatay kay Batocabe at kay SPO2 Orlando Diaz.

Facebook Comments