Subsidiya sa mga naluluging GOCC, dapat gamiting pantugon sa kalamidad at pandemya

COURTESY: SENATE OF THE PHILIPPINES

Isinulong ni Senator Sherwin Gatchalian na mailipat para pantugon sa kalamidad at COVID-19 pandemic ang bahagi ng subsidiya ng gobyerno sa mga nalulugi o magsasara ng Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs).

Tinukoy ni Gatchalian, ang nakapaloob sa proposed 2021 national budget na ₱201 billion na nakalaan sa 118 GOCC na noong nakaraang taon ay nakapag-ambag lang sa kaban ng bayan ng ₱47 billion kaya lugi ang pamahalaan.

70 sa mga GOCC ang natukoy na bagsak umano o may poor performance, habang 30 ang ipinapabuwag na, 25 ang hindi aktibo at 3 ang ipinapasapribado.


Ang suhestyon ay tugon ni Gatchalian sa nagpapatuloy na pananalasa ng mga bagyo sa bansa habang papaubos na ang calamity fund dahil nagamit din pantugon sa pandemya.

Ayon kay Gatchalian, taon-taong dinadalaw ng kalamidad ang Pilipinas kaya dapat ay pinaghahandaan na rin ito ng gobyerno sa pamamagitan ng paglalaan ng mas malaking pondo para sa kaligtasan ng mga tao at tulong sa mga biktima ng kalamidad na makabangon agad.

Facebook Comments