Hinimok ni Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez ang Department of Labor and Employment (DOLE) na maglatag ng subsidy program para maibigay ng mga employer ang 13th month pay ng mga empleyado.
Sa House Resolution 1310 na inihain ng kongresista, hinihiling nito sa pamahalaan partikular sa DOLE ang pagkakaroon ng subsidy program upang pondohan at tulungan ang distressed businesses at employers lalo na ang mga Micro-Small and Medium Enterprises (MSMEs) na maibigay sa mga empleyado ang bonus bago mag-Pasko.
Nakasaad sa resolusyon ang pag-aatas sa DOLE na maglaan ng ₱13.7 billion para maibigay ang 13th month pay ng lahat ng mga empleyado at manggagawa.
Batay sa record ng DOLE, aabot sa 1.5 million workers ang apektado ang mga trabaho ng pandemya habang 5.1 million displaced at distressed workers naman ang tala ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Bunsod ng mahigpit na community quarantine na nauwi sa pagkalugi at pagsasara ng mga negosyo ay maraming employers ang wala nang pondo para sa 13th month pay ng kanilang mga empleyado kahit pa gusto nilang maibigay ito.
Nauna nang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na mangangailangan ng ₱5 billion hanggang ₱13.7 billion para ma-subsidize ang 13th month pay ng mga empleyado mula sa MSMEs.