Aprubado na rin sa joint hearing ng House Committee on Economic Affairs at House Committee on Social Services ang committee report ng substitute bill ng P405.6 billion na Bayanihan 3 Bill.
Ang Bayanihan 3 Bill ay magsisilbing ‘lifeline measure’ para sa ayuda sa mga mahihirap na pamilya at mga industriyang apektado ng COVID-19 pandemic.
Tanging inamyendahan lamang sa panukala ang pondo na posibleng paghuhugutan para sa Bayanihan 3.
Batid ni Economic Affairs Chair Sharon Garin na hindi dapat galawin ang ‘for later release’ na budget sa ilalim ng 2021 national budget na malinaw na nakasaad sa panukala.
Nakapaloob naman sa Bayanihan 3 ang “Ayuda to all Filipinos” o ang P1,000 na ayuda na ipagkakaloob sa lahat ng 108 million na mga Pilipino na ibibigay ng dalawang beses na may pondong P216 billion.
Samantala, dumalo rin si Speaker Lord Allan Velasco, principal author ng Bayanihan 3, sa pragdinig at umapela sa Senado na suportahan ang Kamara sa agarang pagpapatibay ng nasabing ‘lifeline measure’.
Aabot naman sa 290 na mga kongresista ang nagpalista para maging principal author at co-authors ng Bayanihan 3 Bill.
Dahil lusot na sa komite ay inaasahang iaakyat na ito sa plenaryo para tuluyang aprubahan bago ang sine die adjournment sa June 5.