Manila, Philippines – Sumapi na sina dating House Speaker Pantaleon Alvarez at dating Majority Leader Rodolfo Fariñas sa minority group nina ABS Representative Eugene De Vera.
Si De Vera ang isa sa tatlong natira sa dating minority group matapos bumuto ang 14 na miyembro nito kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa pangunguna ni Representative Danilo Suarez.
Sumulat si De Vera kay Arroyo para ipabatid na tinanggap na niya sa kaniyang grupo sina Alvarez at Fariñas.
Base rin sa listahan sa sulat ni De Vera, 14 na kongresista ang bumubuo ng kanilang grupo.
Samantala, iginiit naman ni Fariñas na dapat si De Vera ang tumayong acting minority leader matapos bumoto si Suarez kay Arroyo na otomatikong naglalagay sa kaniya bilang miyembro ng majority.
Sabi naman ni Albay Representative Edcel Lagman, imposibleng maging minority leader si De Vera dahil tatlo na lang silang natira sa kanilang grupo.
Nanindigan naman si Buhay Representative Lito Atienza na hindi umalis sa minority si Suarez kahit na bumuto kay Arroyo.