SUMBONG NA PANGINGIKIL NG NPA SA MGA RESIDENTE, NAUWI SA BAKBAKAN; 7 MIYEMBRO, TINUTUGIS NG MILITAR

Cauayan City, Isabela- Patuloy na tinutugis ng tropa ng militar ang pitong (7) miyembro ng makakaliwang grupo matapos ang nangyaring bakbakan sa pagitan ng 95th Infantry Battalion at pinaniniwalaang grupo ng CF Remnants, KOMPROB Isabela KR-CV nitong unang araw ng Marso sa Brgy Diana, Maconacon, Isabela.

Una rito, nakatanggap ng reklamo ang ilang residente sa lugar dahil sa umano’y ginagawang extortion o pangingikil ng mga NPA na humantong sa palitan ng putok ng baril.

Ayon sa report ng mga awtoridad, tumagal ng higit limang (5) minuto ang naturang bakbakan hanggang sa umatras papalayo ang mga rebeldeng grupo sa iba’t ibang direksyon.

Agad na sinuyod ng mga tropa ang lugar at natuklasan ang animnapung (60) kilo ng bigas, dalawampung (20) pakete ng instant noodles, samu’t saring mga delatang paninda, isang (1) litro na Yamalube oil, at isang (1) pares ng rain boots, na lahat ay mula sa pangingikil sa mga residente na mga kalapit na komunidad sa lugar.

Sa nagging salaysay umano ng mga residente sa naturang barangay, nagpaplano ang mga miyembro ng NPA na mangikil sa komunidad upang mapanatili ang kanilang grupo hanggang sa maalerto ang tropa ng sundalo sa kanilang presensya at kaya nagsagawa ng combat patrol sa lugar.

Pinuri naman ni BGen. Danilo D. Benavides, ang Commander ng 502nd Infantry Brigade, 5th Infantry Division ang pagbabantay ng komunidad sa pamamagitan ng pagtulong na hadlangan ang masasamang intensyon at aksyon ng CPP – NPA – NDF.

Ayon sa heneral, indikasyon ito ng pagnanais ng mga komunidad na palayain ang kanilang sarili mula sa impluwensya at takot ng CPP-NPA-NDF.

Sa huli, hiniling ng opisyal sa mga natitirang miyembro ng CPP-NPA-NDF na sumuko sa harap ng pinaigting na operasyon ng militar sa rehiyon hanggang ang lahat ng miyembro ng CPP-NPA-NDF ay sumuko.

Muli niyang iginiit na ang gobyerno sa pamamagitan ng E-CLIP program ay laging handang tanggapin ang mga ito.

Facebook Comments