Sumbong na pinagkakakitaan ng ilang eskwelahan ang certificate of enrollment ipaparating ng DSWD sa DEPED

Nakarating na sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang reklamo ng ilang mga magulang na pinagkakakitaan daw ng ilang eskwelahan sa Metro Manila ang certificate of enrollment.

Isa kasi ito sa hinahanap na requirement ng DSWD para makakuha ng educational assistance ang mahihirap na estudyante.

Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, ipaparating niya kay Department of Education (DepEd) Secretary at Vice President Sara Duterte-Carpio ang reklamong ito ng mga magulang para maimbestigahan at maaksyunan.


Aniya, ngayon lamang nila nalaman ito na naniningil umano ang ilang eskuwelahan ng mula 50 hanggang 180 pesos kapalit ng certificate of enrollment.

Sinabi ni Tulfo, inalis na niya ang requirement na pagsusumite ng certificate of indigency mula sa mga barangay dahil sa mga nauna nang sumbong na pinagkakakitaan ito ng ilang tiwaling mga brgy. official o di kaya naman ay ang pamimili lang ni kapitan ang bibigyan nito, pero nalipat naman ang sumbong laban sa ilang eskwelahan na tila gusto ring kumita.

Giit ni Tulfo, hindi katanggap-tanggap na naniningil pa ng bayad ang mga eskwelahan para lamang mag isyu ng certificate of enrollment dahil mahihirap na estudyante ang gagamit nito para lamang makakuha ng ayuda mula sa gobyerno.

Facebook Comments