Sumbong sa mga Corrupt Local Officials, dapat may kalakip na ebidensya para makubra ang 30K pabuya ayon sa Palasyo

Hindi lamang basta sumbong kundi dapat may kalakip na mga ebidensiya kapag may idudulog na reklamo ang publiko laban sa mga opisyal ng barangay na umano ay nangungurakot ng pera para sa Social Amelioration Program (SAP).

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Atty. Harry Roque layunin nitong matiyak na hindi paninirang puri lamang sa mga opisyal ang motibo ng sumbong.

Sinabi ni Roque mas mainam kung suportado ang reklamo ng video recording at mahalagang may maisumite ding complaint affidavit sa pulis o sa NBI kung kasong administratibo naman ay dapat magsumite ng reklamo sa pinaka malapit na tanggapan ng DILG na syang gagamiting basehan para makuha ang P30,000 na pabuya ng Pangulo.


Samantala, kinumpirma din ni Roque na sangkaterbang sumbong din ang kaniyang natatanggap sa kanyang cellphone.

Maaari din namang dumulog sa hotline 8888 ang mga may reklamo.

Kagabi nakatikim ng sermon at mura mula mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte si Hagonoy Bulacan Brgy Kagawad Danilo Flores dahil sa paghingi nito ng parte ng SAP sa mga benepisyaryo sa kanilang barangay.

Facebook Comments