Sumirit na presyo ng pataba, dapat aksyunan agad ng DA

Kaagad na pinaaksyunan ni Senador Imee Marcos sa Department of Agriculture (DA) na maibaba ang presyo ng mga pataba sa harap ng paghahanda ng mga magsasaka sa susunod na panahon ng taniman ng palay.

Babala ni Marcos, hindi lang paglaki ng gastusin ng mga magsasaka sa produksyon nito ang epekto ng mataas na presyo ng pataba.

Ayon kay Marcos, tiyak na magreresulta rin ito ng pagtaas sa presyo ng lokal na bigas sa mga mamimili.


Tinawag ni Marcos na “double whammy” o dobleng dagok ang dulot ng presyo ng fertilizer kasabay ng pagtaas sa presyo ng gasolina na makakaapekto sa gastusin ng mga magsasaka sa irigasyon at transportasyon.

Ayon kay Marcos, lalong ibinabaon sa utang ang mga magsasaka dahil sa mataas na presyo ng mga pataba bago pa man nila maitanim ang mga binhi.

Habang sa panahon naman aniya ng anihan ay pinadadapa lang lalo ng murang mga imported rice ang mga farmgate price.

Diin ni Marcos, nasaan na ang budget sa fertilizer sabay giit na dapat sana ay naipamahagi na ng DA ang mga subsidiyang mga pataba bago pa sumapit ang tag-ulan, kasama ang mga binhi.

Facebook Comments