SUMMER RELATED DISEASES AT SAKIT SA NGIPIN, PANGUNAHING SAKIT NG MGA PDL SA BJMP CAUAYAN

Cauayan City, Isabela- Pangangati ng balat, pigsa at bungang araw ang pangunahing naitalang sakit ngayon ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Cauayan City District Jail.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Jail Officer 2 Gloria Foronda, duty nurse ng Cauayan City District Jail, kanyang sinabi na mga summer related diseases gaya ng bungang araw, pangangati ng balat, pigsa at sakit sa ngipin ang kadalasang inirereklamo na iniindang karamdaman ng mga PDL sa kulungan bagay na hindi aniya maiwasan tuwing mainit ang panahon.

Sa mga PDL na senior citizens naman ay hindi aniya maiwasan ang ilang mga sakit na normal lamang sa mga matatanda gaya ng altapresyon at highblood.

Para maiwasan ang mga nasabing sakit sa mga matatanda ay naglaan ng schedule ang BJMP Cauayan para sa kanilang pag-eehersisyo o paglalakad sa loob din ng cauayan city district jail.

Mayroon namang gamot na ibinibigay ang nasabing kulungan sa mga PDL na nakakaramdam ng anumang sakit at agad namang ina-isolate ang mga nakakaranas ng COVID-19 symptoms.

Sa ngayon, nasa 239 na ang kabuuang bilang ng mga nakakulong sa Cauayan City District Jail na binubuo ng labing tatlong babae at 226 na mga lalaki.

Samantala, fully vaccinated na ang lahat ng mga PDL ng Cauayan City District Jail at karamihan na rin sa kanila ay nabakunahan na ng booster dose.

Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang naitatala ang nasabing kulungan na kaso ng COVID-19 mula nang pumutok ang nasabing sakit.

Facebook Comments