Manila, Philippines – Ilang oras matapos ang insidente ay sumuko sa Barangay 816 ang limang nanggulpi sa pulis at iba ang bersyon ng kanilang kwento. Ayon kay Kurt Miranda na aminadong nakainom, naghaharutan silang magpipinsan sa Dapo Street nang mapadaan si Pizarro malapit sa kanila. Inakala umano ng pulis na siya ang pinatutungkulan sa asaran ng magpipinsan at sinabihan sila na naangasan ito. Matapos ang insidente ay kapwa umalis ang dalawang panig, ngunit nag-abot sa Peñafrancia Street dahil doon din ang kanilang daan pauwi. Ani Miranda, hindi niya sinasadyang mabangga ang motor ni Pizarro. Nang iginilid niya ang motor ay pinigilan umano siya nito at nilabasan at pinaputukan ng baril sa paa. Doon na niya niyakap ang pulis para mabigyan ng pagkakataon ang kanyang mga kasamahan na makuha ang baril ng pulis upang hindi na ito makapamaril ulit. Matapos nito ay doon na nila inundayan ng suntok si Pizarro. Dagdag pa ni Miranda, hindi nila alam na pulis ang lalaki. Samantala, ayon kay Police Senior Inspector Edwin Fuggan ng Pandacan Police, mahaharap sa kasong physical injury ang magkakamag-anak na Miranda at pinag-aaralan pa nila kung mayroon pang ibang kasong dapat isampa laban sa mga ito. Paalala naman ni Fuggan sa mga motorista, huwag magmaneho kung lasing at lalo na kung mainit ang ulo. Para naman sa mga pulis, panatilihin ang disiplina at maging ehemplo sa mga mamamayan.
SUMUKO | Mga suspek na nambugbog sa isang pulis sa Paco, Maynila, arestado na
Facebook Comments