Sumukong NPA, Rekrut Umano ni Cita Managuelod ng DAGAMI

Cauayan City, Isabela – Inihayag ng isang sumukong NPA na si Ka Leslie na si Ginang Cita Managuelod ng Danggayan Dagiti Mannalon ti Cagayan Valley o DAGAMI ang nagpasampa sa kanya bilang New People’s Army.

Si Ka Leslie na tubong Hilagang Isabela, ay kasama nina Ka Alvin ng Aklan at 16 anyos na si Ka Jimboy na isang katutubong Dumagat ay sumuko sa puwersa ng 95th IB noong Linggo, Pebrero 16, 2020 bago maganap ang labanan ng militar at NPA na siyang ikinasawi ng tatlong iba pang rebelde.

Nagresulta ang bakbakan sa pagkamatay nina Ka Bobby ng San Mariano, Isabela na isang NPA squad leader; Ka Princess ng Alicia, Isabela na medical officer ng grupo at isang nakilalang Joseph Manuel ng Barangay Nanaguan, Ilagan, Isabela.


Ang pagpapahayag ni Ka Leslie kaugnay sa kanyang pagpasok sa NPA sa pamamagitan umano ni Managuelod ay sa presensiya ng mga kasapi ng Commission of Human Rights Region 2, dalawa niyang nakakatandang kapatid na babae, 98.5 iFM Cauayan at isa pang lokal na media ng Isabela.

Ayon sa kanya ay dati siyang sumasama sa rally dahil kasapi siya Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide o PISTON na kalaunan ay naging full time NPA.

Ang mga sumukong rebelde, ayon pa rin sa kanilang pagpapahayag, ay ninanais nilang manatili muna sa poder ng militar dahil takot sila na balikan ng mga dati nilang kasamahan.

Samantala, ang menor de edad na si Ka Jimboy na isang katutubo ay kanya ding nakuwento na kaya siya nabighani na sumama sa grupo ay dahil sa naakit siya sa isang babaeng NPA na noong naka shorts pa umano ng maigsi noong siya ay niyaya.

Nananawagan din siya para sa kaligtasan ng kanyang kaibigang 15 anyos na nasa poder pa ng mga rebelde.

Ang salaysay ng 16 anyos na si Ka Jingboy ay ginabayan ng isang abogado at kasapi ng City Social Welfare Office ng Lungsod ng Ilagan maliban sa mga kasapi ng Komisyon ng Karapatang Pantao na pinangunahan ni Chief Investigator Perlita A. Agana.

Nakahinga din ng maluwag ang dalawang kamag-anak ni Ka Leslie sa kanilang nakitang mabuting kalagayan ng kanilang kapatid sa poder ng 5th Infantry Division.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginang Mananguelod ay kanyang sinabi na scripted at lumang paraan daw umano ng 5th ID ang “red tagging” sa kanya. Kanya ring sinabi na kaya umano nagpapahayag ng ganoon ang mga sumuko ay “under duress” sila sa poder ng militar.

Pahayag naman ni Major Noriel Tayaban, ang pinuno ng Division Public Affairs Office o DPAO ng 5th Infantry Division na ang nasaksihan ng media at CHR na kuwento ng mga sumukong rebelde ay katibayan sa matagal na nilang ipinapahayag na tunay na mukha ng rebeldeng grupo at mga nagmamaskarang prente nila na ginagamit ang mga ito legal na organisasyon upang magpasampa ng rebelde at pagrekruta sa mga katutubo at menor de edad.

Facebook Comments