“Sumunod kayo sa batas at galangin ang karapatan ng manggagawa” – Vico Sotto on Zagu’s owner

Images via Twitter/MatanglawinADMU

Kinastigo ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang Zagu Foods Corporation dahil sa sistemang kontraktuwalisasyon sa kanilang mga manggagawa.

Sa Facebook post ni Sotto nitong Miyerkules, giniit niyang dapat sumunod sa batas at respetuhin ng inirereklamong pamunuan ang karapatan ng mga empleyado.

Dagdag pa niya, hindi hahantong sa karahasan at protesta kung ginawang regular ang mga nagtratrabaho nang mahigit sampung taon.


Kahapon, nagtungo si Sotto sa picket line sa Kapitolyo at kinausap ang admin-in-charge kaugnay ng pagpapalayas sa mga nagproprotestang manggagawa.

Ayon sa natanggap na ulat, mahigit isang buwan nang naka-strike ang unyon at humantong sa dahas ang pagtataboy sa mga apektadong empleyado.

“Ang sagot ng admin-in-charge, pinapatupad lang daw nila ang TRO ng NLRC — ngunit malinaw naman sa TRO na puwedeng ipagpatuloy ang strike basta’t hindi ito nakaharang sa pagpasok/paglabas sa Zagu Foods Corp,” ani Sotto.

Kinundena ng Aksyon Demokratiko, partido ng bagong lider, ang naganap na dispersal.

“We condemn in strongest terms the use of violence to quell the assertion of workers’ rights. We therefore support and commend Pasig Mayor Vico Sotto’s speedy response to personally hear the concerns of the Zagu workers and to maintain industrial peace by imploring strikebreakers to stand down,” mensahe ng partido.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang Zagu management ukol sa isyu ng kontraktuwalisasyon.

Tinatawag na “kontraktwal” ang isang manggagawa kapag hindi ito na-regular matapos ang anim na buwan at muling bibigyan ng panibagong kontrata dahilan para hindi nito makamit ang kaukulang benepisyo at security of tenure sa kumpanyang pinapasukan.

Facebook Comments